Magic tinapos ang suwerte ng Cavs

CLEVELAND — Bumira si Paolo Banchero ng 24 points habang may 22 markers si Franz Wagner sa paggabay sa Magic sa 108-103 pagdaig sa Cleveland 108-103.

Tinapos ng Orlando (32-37) ang 16-game winning streak ng Cleveland (56-11).

 Naglista rin si Banchero ng 11 rebounds at 7 assists habang may 16 points at 14 rebounds si Wendell Carter Jr.

Ito ang unang kabiguan ng Cavs matapos noong Pebrero 4 bilang Eastern Conference leaders kung saan sila nabigong talunin ang Magic sa huling minuto ng laro. 

Mintis ang huling limang tira ng Cleveland — ang tatlo ay kay All-Star Donovan Mitchell — sa nalalabing minuto ng laban.

Ang 16-foot jumper ni Banchero ang nagbigay sa Orlando ng 104-103 bentahe. 

Matapos ang mintis na 3-pointer ni De’Andre Hunter ng Cavaliers ay nagpasok si Kentavious Caldwell-Pope ng dalawang free throws sa natitirang 31 segundo para sa kanilang three-point lead.

Mintis ang panabla sanang triple ni Max Strus para sa Cleveland pati na ang dalawang tres ni Mitchell dahil sa depensa ng Orlando.

Sa Milwaukee, bumanat si Shai Gilgeous-Alexander ng 31 points sa 121-105 paggiba ng Western Conference-leading Oklahoma City Thunder (56-12) sa Bucks (38-29).

Sa Los Angeles, nagkuwintas si Luka Doncic ng 33 points, 11 rebounds at 8 assists sa 107-96 panalo ng Lakers (41-25) sa Phoenix Suns (31-37). 

Sa Los Angeles, kumolekta si James Harden ng 31 points at 10 rebounds at may 23 markers si Kawhi Leo­nard sa 123-88 paglunod ng Clippers (38-30) sa Charlotte Hornets (17-50).

Show comments