Petecio, Villegas pinarangalang Athletes of the Year

MANILA, Philippines — Binigyang-pugay ang kabayanihan ng mga Pinay athletes sa 2025 PSC All-Women Sports Awards 2025 na ginanap sa Century Park Hotel sa Maynila.
Nanguna sa mga pinarangalan sina female boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas na siyang mga kinilala bilang Athletes of the Year sa programa.
Iginawad kina Petecio at Villegas ang naturang parangal matapos parehong makasungkit ng tansong medalya sa Paris Olympics na ginanap noong nakaraang taon sa France.
Personal na tinanggap ni Petecio ang award kung saan nanawagan ito sa mga kapwa atleta na patuloy na maging inspirasyon sa mga kabataang atleta.
Sa kabuuan, may 141 Pinay athletes ang pinarangalan sa programang proyekto ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Olivia ‘Bong’ Coo.
Ibinigay naman kay jiu-jitsu fighter Meggie Ochoa ang Lifetime Achievement Award dahil sa kontribusyon nito sa Philippine sports.
Nakasungkit ng gintong medalya si Ochoa sa World Championships noong 2018 sa Maimo, Sweden at noong 2022 sa Abu Dhabi sa United Arab Emirates.
Maliban dito, nakasikwat pa si Ochoa ng ginto sa 2023 Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China habang may ginto rin ito noong 2019 Southeast Asian Games sa Maynila at 2021 SEA Games sa Hanoi, Vietnam.
Kinilala rin ng WIS Awards ang mga Filipina athletes sa iba’t ibang kategorya mula sa elite athletes hanggang sa para-athletes gayundin ang mga Special Olympics competitors, youth athletes, at masters athletes.
- Latest