Tropang Giga kumonekta sa 1-O lead sa PBA Finals

Pinasok ni Ginebra import Justin Brownlee ang depensa ng TNT sa Game One ng PBA Commissioner’s Cup Finals.

MANILA, Philippines — Malakas ang signal ng TNT Tropang Giga sa Game 1 matapos hindi patomahin ang Barangay Ginebra, 95-89, sa pag-arangkada ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup best-of-seven finals series kahapon sa Mall of Asia Arena.

Rumatsada sa maagang 17-puntos na benta­he ang Tropang Giga at hin­di na lumingon pa tungo sa kumbinsidong tagumpay para sa 1-0 kar­tada ng kanilang ikalawang sunod na pagtutuos ngayong Season 49.

Wagi ang TNT kontra sa Ginebra sa Governors’ Cup finals noong nakaraang taon, 4-2, at nakauna agad sa tangkang back-to-back title papasok sa krusyal na Game 2 bukas sa parehong venue.

Walang kupas ang reigning Best Import na si Rondae Hollis Jefferson na kumamada ng ha­los triple-double na 34 points, 13 rebounds at 8 assists.

Tampok sa pamamayani ni Hollis-Jefferson, na 2-0 na kay resident Ginebra import Justin Brownlee sa finals ang pa­napos na freethrows sa huling dalawang segundo matapos lumapit sa hanggang apat na puntos ang Gin Kings sa four-point shot ni RJ Abarrientos.

Umayuda kay Hollis-Jefferson si Roger Pogoy na may 15 points, habang may tig-10 markers din sina Calvin Oftana at Rey Nambatac.

Nag-ambag din ng tig-walong puntos sina Kelly Williams at Glenn Khobuntin, habang may tig-limang puntos na kontribusyon sina Poy Erram at Kim Aurin.

Show comments