Ika-4 dikit na panalo target ng Lady Spikers

MANILA, Philippines — Muling mapapalaban ang De La Salle University katapat ang tigasing Far Eastern University sa UAAP Season 87 wo­men’s volleyball tournament sa Smart Araneta Co­liseum.

Sasandalan ni La Salle head coach Ramil De Jesus sina Season 85 Rookie-MVP Angel Anne Canino at opposite spiker Shevana Maria Nicola La­put upang panain ang four-game winning streak at masolo ang No. 3 spot sa team standings.

Tangan ng Lady Spi­kers ang 4-2 karta, ka­pa­reho nila ang Lady Ta­ma­raws.

Magsisimula ang ka­nilang paluan ngayong alas-3 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng Ateneo De Manila University at University of the East sa ala-1 ng ha­pon.

Ginarote ng La Salle ang matagal nang karibal na Ateneo, 25-15, 25-14, 20-25, 25-19, matapos mag­tulungan sa opensa sina Canino at Laput.

Pinamunuan ni Laput ang Lady Spikers sa tini­ka­dang 25 points mula sa 19 attacks, tatlong blocks at tatlong service aces, ha­bang 17 markers ang ini­lista ni Canino.

Ayon kay De Jesus, na­katutok sila sa top four kaya naman kailangan ni­lang paghandaan lahat ng makakalaban nila.

“Kahit sino pa kalaban namin, Ateneo man iyan or ibang teams, kaila­ngan talaga paghandaan kasi nandoon na lahat eh,” sa­bi ni De Jesus matapos nilang talunin ang Blue Eagles.

Show comments