Letran Lady Knights sumosyo sa liderato
MANILA, Philippines — Sinakote nina Sheena Vanessa Sarie at Marie Judiel Nitura at ng Letran ang 25-18, 25-18, 26-24 panalo kontra sa Lyceum of the Philippines sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kahapon sa Arellano University Gym sa Legarda, Manila.
Humataw si Sarie ng 17 points upang tulungan ang Lady Knights na ilista ang ikaapat na panalo at sumosyo sa tuktok ng team standings kasama ang University of Perpetual Help System Dalta Lady Altas.
Lumagare si Nitura ng 16 markers para ipalasap sa Lady Pirates ang pang-apat na kabiguan sa limang laro.
Maliban kina Sarie at Nitura, umiskor din sila Nizelle Aeriyen Martin at Gia Marcel Maquilang tig-anim na puntos para sa Letran.
Pinamunuan ni Stacey Denise Lopez ang Lyceum sa kanyang 10 points at pito ang tinipa ni Joan Doguna.
Samantala, dinurog ng San Sebastian Lady Stags ang Jose Rizal Lady Bombers, 25-19, 25-20, 25-23, para ilista ang 3-1 karta.
- Latest