Converge sinibak ng RoS, swak sa semis

Sinagupa ni Rain or Shine guard Adrian Nocum si Converge center Justine Baltazar.
PBA Image

MANILA, Philippines — Kumawala sa fourth quarter ang Rain or Shine upang silatin ang paboritong Converge, 112-103, sa winner-take-all Game 3 ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup quarterfinals kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Naghahabol pa ang No. 6 seed na Elasto Pain­ters hanggang sa third period kontra sa No. 3 seed na FiberXers nang rumatsada nang todo upang makapagtayo ng 12 puntos na bentahe na naging sapat upang maitulak sila sa Final Four.

Dalawang sunod na panalo ang iniskor ng Rain or Shine matapos ang kabiguan sa Game 1 para maitakda ang best-of-seven semifinal series sa No. 2 seed na Talk ‘N Text.

Isang subok lang ang kinailangan ng Tropang Giga na armado ng twice-to-beat advantage upang makapag-martsa sa semifinals matapos ang 109-93 panalo kontra sa No. 7 seed na Hong Kong Eastern sa sarili nilang quarterfinal series.

Bagama’t natagalan sa likod ng comeback win, nakasunod pa rin ang Elasto Painters sa likod ng conference-high na 34 puntos ni Deon Marshall Thompson sahog pa ang 12 rebounds at 7 assists para sa muntikang triple-double na performance.

May 2 steals at 3 tapal din si Thompson na bumawi sa huling 2 laro ng quarterfinals matapos madale ng foul trouble sa kanilang 130-118 kabiguan sa Game 1 para trangkuhan ang mga tropa ni coach Yeng Guiao.

Si Adrian Nocum ang bumida sa balikwas ng RoS sa Game 2, 114-104, sa naitalang 28 puntos bago sundan ito ng 25 puntos sa Game 3 sahog pa ang 3 rebounds, 3 assists at 1 steal.

Nag-ambag din ng 14 at 11 puntos sina Andrei Caracut at Jhonard Clarito, ayon sa pagkakasunod, para sa reverse series sweep ng RoS.

Show comments