Nxled sumampa sa win column
MANILA, Philippines — Tuluyan nang tinapos ng Nxled ang kanilang kamalasan matapos talunin ang Galeries Tower, 25-20, 19-25, 25-14, 25-23, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Humataw si EJ Laure ng 19 points mula sa 14 attacks at limang blocks para wakasan ang kanilang league-worst 15-game losing slump.
“Siyempre, sobrang happy lang talaga kami ngayon na finally nakuha na din namin iyong first win namin,” ani Laure. “Nilo-look forward lang namin kung ano iyong next na gagawin namin at bawi lang talaga.”
Sumampa ang Chameleons ni Italian coach Ettore Guidetti sa win column sa kanilang 1-8 record kapareho ng marka ng Highrisers na nahulog sa ikaapat na sunod na kabiguan.
Nagdagdag si Chiara Permentilla ng 14 markers habang may 12 points si May Luna at naglista si Janel Maraguinot ng 12 excellent sets para sa kanilang opensa.
Ang huling panalo ng Nxled ay kontra din sa Galeries Tower sa nakaraang PVL Reinforced Conference noong Hulyo.
Pinamunuan ni Jho Maraguinot ang Highrisers sa kanyang 14 points kasunod ang 11 markers ni Grazie Bombita na bumida sa second set para makatabla sa 1-1.
- Latest