Strong Group Athletics swak sa semis ng Dubai Cup
MANILA, Philippines — Nagmartsa sa semis ang Strong Group Athletics matapos pulbusin ang Sharjah Sports Club, 100-63, kahapon sa 34th Dubai International Basketball Championship sa United Arab Emirates.
Tuloy ang matikas na ratsada ng SGA na naikonekta ang ika-limang sunod na panalo upang mapanatili ang imakuladang karta nito sapul noong eliminasyon.
Makakasagupa ng SGA sa semis ang Tunisia ngayong araw.
Hindi maganda ang simula ng Pinoy squad kung saan nalugmok agad ito sa anim na puntos na pagkakabaon sa first quarter.
Ngunit mabilis na rumesponde sina NBA veterans DeMarcus Cousins at Malachi Richardson nang ilatag nito ang solidong opensa para kunin ng SGA ang 31-16 kalamangan sa pagtatapos ng first quarter.
Mas lalo pang nag-init ang SGA sa mga sumunod na sandali kung saan napalobo pa nito ang bentahe sa 37 puntos upang tuluyang pulbusin ang Sharjah.
Bida si Cousins na may double-double na 21 points at 10 boards, habang naglista si dating PBA import Chris McCullough ng 20 markers.
Nakakuha rin ng solidong suporta ang mga imports sa mga local players matapos magtala sina Dave Ildefonso at Mikey Williams ng tig-11 points.
Nanguna naman para sa Sharjah si Nicholas West na may naitalang 19 points kasunod ang 18 markers ni Dequan Jones.
- Latest