MANILA, Philippines — Puntirya ng nina Carlos Yulo at Eldrew Yulo na gumawa ng kasaysayan sa 2028 Los Angeles Olympics.
Malaki ang tiwala ni Caloy na makakapasok ang Yulo brothers sa LA Games.
Kaya naman excited na ito dahil magandang pagkakataon ito para magsanib-puwersa ang magkapatid para mabigyan ng karangalan ang bansa.
“Posible po and sobrang saya po nun for sure na makakatungtong kami pareho sa Olympics. Dalawa kami na irerepresent yung Phlippines,” ani Caloy.
Aminado si Caloy na magiging magandang experience ito para sa kanilang dalawa ngunit hindi magiging madali ang kanilang pagdaraanan para maisakatuparan ito.
“Exciting pero at the same time magiging challenging siya para sa aming dalawa. Hindi madali ang process sa pagpasok doon (LA Olympic),” ani Caloy.
Patuloy ang panalangin ni Caloy na matupad ito at parehong makapasok sa podium.
“Nagpe-pray po ako na makapasok kaming dalawa at makapodium kaming dalawa doon,” ani Caloy.
Desidido rin si Eldrew na gawin ang lahat para matupad ang pangarap nito.
Naniniwala ito na walang imposible kaya’t nangako itong magiging puspusan ang kanyang paghahanda para makapasok sa LA Olympics.
“It is an amazing dream but I will make it, everything is possible. It seems impossible, I will make it become possible. I will train hard and push myself to the limits everyday to become great,” ani Eldrew.
Nagbigay din ng payo si Caloy sa mga atletang nagnanais maabot ang kanyang narating — ibuhos ang lahat sa ensayo.
“Magpakita lang talaga sa training. It doesn’t matter how much you can give at practice that day. Lahat naman tayo tinatamad minsan, tao lang tayo. At least kahit 0.1 percent sa araw na yun para mabuo yung 100 percent,” ani Caloy.
Iginiit din ni Caloy na kailangang magplano para maabot ang minimithi sa buhay.