MANILA, Philippines — Iniligpit ng nagdedepensang Creamline ang kulelat na Nxled, 25-12, 25-21, 25-19, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Dumiretso ang Cool Smashers sa kanilang ikaanim na sunod na arangkada para solohin ang liderato ng torneo.
Nahulog ang Chameleons sa pang-walong dikit na talo at ika-15 sa kabuuan simula sa nakaraang Reinforced Conference.
Pumalo si Bernadeth Pons ng 13 points habang may 10 markers si Tots Carlos para sa Creamline ni coach Sherwin Meneses.
“Siguro ginagalang din kami ng kalaban. Siguro medyo nag-relax. Pero at this point of the tournament bawal mag-relax,” ani setter Kyle Negrito na naglista ng 15 excellent sets. “I’m happy na naka-recover kami and nakuha namin iyong mga sets at iyong panalo.”
Binanderahan ni Jaycel Delos Reyes ang Nxled sa kanyang pitong puntos.
Ito ang ika-16 sunod na panalo ng Cool Smashers sa Chameleons na nakatabla sa 7-7 sa first set bago kumulapso sa dulo, 12-25.
Dumikit ang Nxled sa 6-8 sa second frame bago humarurot ang Creamline sa 19-12 patungo sa 25-21 panalo at ilista ang 2-0 kalamangan sa laro.
Sa third set kumamada ang Chameleons sa pangunguna nina Luna at Ebon para iposte ang 10-5 at 19-16 bentahe habang nagtuwang sina Carlos, Bea De Leon at Alyssa Valdez para itaas ang Cool Smashers sa 24-18 match point.
Ang hataw ni Carlos ang tuluyan nang tumapos sa laban.