BPC bid ni Fajardo delikado

MANILA, Philippines — Sa pagkakalagay ng San Miguel sa panganib na masibak ay ang posibleng pagkakadiskaril sa inaasahang pagkopo ni June Mar Fajardo sa Best Player of the Conference award.

May 5-7 record ang Beermen para sa No. 10 place sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.

Dahil dito ay nanga­nganib ang mga bataan ni coach Leo Austria na mapatalsik sa eight-team quarterfinal round kasabay ng pagkakatanggal sa pa­ngalan ni Fajardo sa listahan ng mga BPC candidates.

Nanguna ang 35-anyos na si Fajardo sa BPC race sa kalagitnaan ng torneo bago bumulusok ang San Miguel dahil sa pagpapalit ng mga imports.

Kumamada ang 6-foot-10 na Cebuano giant ng 44.8 statistical points mula sa kanyang mga averages na 19.8 points, 4.5 assists at league-best 17.3 rebounds.

Nasa likod niya sina Arvin Tolentino (40.8 sps) ng NorthPort at Ro­bert Bolick (37.6 sps) ng NLEX.

Ang eight-time PBA MVP ang may pinakamaraming BCP awards na napanalunan sa bilang na 10 at ang huli ay sa nakaraang season-opening Governors’ Cup kung saan niya tinalo sina Tolentino at Bolick.

Kailangan ngayong hintayin ng San Miguel ang resulta ng mga laro ng Magnolia (5-6) at NLEX (5-6) kung may tsansa pa sila para sa playoff sa No. 8 spot.

Kung mananalo ang Hotshots at Road Warriors ay awtomatikong talsik ang Beermen sa unang pagkakataon matapos ang 10 taon.

Show comments