Playoffs o Boracay?
Kasabay sa pag-asenso ng mga koponang gaya ng NorthPort at Converge, ang pagkadapa naman ng mga mighty squads San Miguel Beer at Magnolia.
Parehong sisinghap-singhap ngayon ang mga Beermen at Hotshots, at maaaring parehong hindi marating ang PBA Commissioner’s Cup playoffs.
Siyempre, mas kagulat-gulat na nasa bingit ng alanganin sina June Mar Fajardo at kanyang mga SMB teammates.
Ang premyadong koponan, ang winningest franchise ng liga, ay biglang tinamaan ng pagtanda at nakatungtong na sa bangin ang isang paa sa kasalukuyang conference.
Dahil tumapos na may 5-7 card sa elims, dumausdos sa pang-sampu at maaari lang makakuha ng playoff shot sa eighth spot kung parehong matatalo ang NLEX at Magnolia sa kanilang huling laro.
May kalabuan.
Nagbabanta ang maagang Boracay trip sa Beermen.
Kung sakali, first time silang hindi kasali sa post-elims play sa isang dekada.
Samantala, halos abot-kamay na ng NorthPort ang breakthrough top finish sa elims.
Pagkatapos nito eh, ang kanilang pagdaan pa rin sa big test dahil mabibigat na koponan pa rin ang nagbabangayan para sa eighth spot – Rain or Shine, NLEX, Magnolia at SMB.
Kung makalusot, pangatlong semifinals appearance para sa mga Batang Pier.
- Latest