Eastern tambak sa hotshots

Nailusot ni Calvin Abueva ng Magnolia ang kanyang tira laban kay Hayden Blakely ng Eastern.
PBA Image

MANILA, Philippines — Umiskor ng higanteng upset win ang Magnolia kontra sa paboritong E­astern, 107-78, upang manatiling nasa kontensyon para sa huling quarterfinal ticket sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Nagbalandra ng halos triple-double na 25 puntos, 16 rebounds at 7 assists sahog pa ang 2 steals at 1 tapal ang batikang import na si Ricardo Ratliffe upang akayin sa 5-6 kartada ang Hotshots.

Nakatabla ngayon ng Magnolia ang San Miguel at NLEX para sa ika-8 at huling puwesto sa quarterfinals hawak ang pare-parehong kartada papasok sa must-win na huling assignment nito kontra sa Meralco.

Umalalay sa 35-anyos na si Ratliffe ang mga rising stars na sina Jerom Lastimosa at Zav Lucero na may tig-20 puntos pati na sina Ian Sangalang at Mark Barroca na may 14 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Galing sa 10 araw na pahinga ang Magnolia matapos ang 110-104 panalo kontra sa Phoenix at kumaripas agad sa 50-31 na bentahe na hindi na nila pinakawalan tungo sa kumbisidong 29-puntos na tagumpay.

Subalit higit sa sariling panalo, nasugatan ng Hotshots ang twice-to-beat na hangarin ng Eastern dahil sa silat na panalo.

Mula sana sa solo segundo at pag-asa para sa No. 1 spot na hawak ng NorthPort (9-3) ngayon, laglag sa ika-6 na puwesto ang Eastern hawak ang 7-4 kartada katabla ang Barangay Ginebra.

Tanging ang TNT at Meralco na may parehong 7-3 kartada nalang ang may pag-asa ngayon na mahabol ang Batang Pier sa tuktok para sa natata-nging 2 twice-to-beat incentives sa quarterfinals.

Tumapos si Chris McLaughlin ng 20 puntos at 10 rebounds para sa Eastern.

Show comments