MANILA, Philippines — Isang engrandeng parangal para sa mga Pinoy athletes ang masisilayan ngayong gabi sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Bumabandera sa listahan si Carlos Yulo na siyang gagawaran ng Athlete of the Year award matapos ang impresibong kampanya nito sa 2024 Paris Olympics.
Itinaas ni Yulo ang bandila ng Pilipinas nang masungkit nito ang dalawang gintong medalya sa gymnastics kung saan pinagharian nito ang men’s floor exercise at men’s vault.
Magsisimula ang programang co-presented ng ArenaPlus, Cignal, at MediaQuest sa alas-7 ng gabi bitbit ang temang ‘Golden Year, Golden Centenary.’
May kabuuang 117 awardees ang pararangalan sa taong ito kabilang ang mga Olympians sa nakalipas na mga edisyon para magsilbing guest of honor.
Magkakaroon ng kinatawan ang bawat batch ng Olympians sa nakalipas na 60 taon para samahan ang mga 2024 Paris Olympians sa event na suportado ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, PLDT/Smart, Senator Bong Go, PBA, PVL, 1-Pacman Party List, Rain or Shine, Akari at AcroCity.
Si Freddie Webb, na naglaro para sa men’s basketball team sa 1968 (Mexico) at 1972 (Munich) Olympics, ang magsisilbing keynote speaker at kinatawan ng mga Olympians.
Iluluklok naman si weightlifter Hidilyn Diaz sa Hall of Fame.
Apat na beses na naging Athlete of the Year si Diaz — noong 2016, 2018, 2021 at 2022.
Ibibigay naman kina boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas ang President’s Award bunsod ng kanilang tansong medalyang nakamit sa Paris Olympics.