MANILA, Philippines — Swak na sa quarterfinals ang TNT Tropang Giga matapos tambakan ang Phoenix, 106-70, sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Tumipa ng 15 points, 10 rebounds, 5 assists, 2 steals at 2 blocks si import Rondae Hollis-Jefferson para gabayan ang Tropang Giga sa 7-3 kartada diretso sa quarterfinals at mapanatling buhay ang kontensyon sa Top 2 tampok ang ‘twice-to-beat’ incentive.
Katabla ngayon ng TNT ang tenggang Meralco at Eastern sa tersera puwesto sa likod lang ng NorthPort at Converge na okupado ang top spots.
Matamis na higanti ng TNT ang madaling panalo sa masaklap na 108-117 kabiguan nila kontra sa Terrafirma kamakalawa upang mapatid ang six-game winning streak nila at panandaliang matanggal sa dikdikang karera.
Halos hindi pinagpawisan ang mga bataan ni coach Chot Reyes sa mabilisang bawi nila sa likod ng balanseng atake tampok din ang 12 points ni Roger Pogoy pati na ang tig-11 markers nina Kim Aurin at Calvin Oftana.
May ambag ding tig-8 puntos sina Rey Nambatac, Henry Galinato at Kelly Williams para sa TNT na huling makakatuos ang San Miguel at Rain or Shine upang matukoy ang kapalaran nito sa quarterfinals.
Tanging ang Top 2 teams lang ang mabibiyaan ng win-once bonuses sa playoffs kontra sa No. 7 at No. 8 teams, habang sa best-of-three series sasalang ang No. 3, 4 5 at 6 teams.