SAN FRANCISCO — Naglista si Stephen Curry ng 21 points at 7 assists, habang bumira si Quinten Post ng career-high 20 points sa 131-106 pagbugbog ng Golden State Warriors sa Chicago Bulls.
Nagdagdag si Gui Santos ng 19 points tampok ang limang three-pointers at may 17 markers si Andrew Wiggins para sa Warriors (22-22).
Binanderahan ni Zach LaVine ang Bulls (19-26) sa kanyang 24 points, habang nagposte si Josh Giddey ng 16 points at 11 rebounds.
Ito ang unang back-to-back games ni Curry sapul noong Nobyembre bago siya nagkaroon ng tendinitis sa magkabilang tuhod.
Kumonekta sina Wiggins at Post ng magkasunod na 3-pointers sa dulo ng third period para ibaon ng Golden State ang Chicago sa 94-80 papasok sa fourth quarter patungo sa kanilang panalo.
Sa Los Angeles, umiskor si Anthony Davis ng 24 points kasunod ang 23 markers ni Austin Reaves sa 117-96 pagdaig ng Lakers (24-18) sa nagdedepensang Boston Celtics (31-14).
Sa Denver, itinala ni Nikola Jokic ang klanyang pang-limang sunod na triple-double sa tinapos na 35 points, 22 rebounds at season-high 17 assists sa 132-123 panalo ng Nuggets (28-16) sa Sacramento Kings (23-21).
Sa Milwaukee, nagkadena si Damian Lillard ng 29 points, 11 assists at 9 rebounds sa 125-96 pagpapalamig ng Bucks (25-17) sa Miami Heat (21-22).
Sa Oklahoma City, bumaril si Spencer Dinwiddie ng 28 points para gabayan ang Dallas Mavericks (24-21) sa 121-115 paggupo sa Thunder (36-8).
Sa Atlanta, nagbagsak si Scottie Barnes ng 25 points para buhatin ang Toronto Raptors (12-32)sa 122-119 pagdakma sa Hawks (22-22).