MANILA, Philippines — Kapwa tatapusin ng ZUS Coffee at Capital1 Solar Energy ang kanilang mga kamalasan sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Maghaharap ang Thunderbelles at Solar Spikers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Chery Tiggo Crossovers at Farm Fresh Foxies sa alas-4 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Bagsak ang ZUS Coffee (2-4) sa tatlong dikit na kamalasan, habang dalawang sunod na kabiguan ang naman ang nalasap ng Capital1 (1-5).
Nagmula ang Thunderbelles sa 25-20, 25-20, 22-25, 22-25, 9-15 pagkatalo sa Choco Mucho Flying Titans (5-3) sa kanilang huling laro.
Isang 19-25, 19-25, 18-25 kamalasan ang natikman ng Solar Spikers sa mga kamay ng nagdedepensang Creamline Cool Smashers (5-0).
Sa kanyang debut para sa Capital1 ay nagtala si Trisha Genesis, nauna nang naglaro para sa Akari (4-4) at Nxled (0-7), ng 10 points.
“Sobrang hirap at habang proseso na pinagdaanan bago po ako makalipat dito,” wika ni Genesis. “Finally, natapos din kung anuman ‘yung naging problemang ‘yun at eto, makakapaglaro na.”
Sa unang laro, puntirya ng Farm Fresh (3-3) ang back-to-back wins sa pagsagupa sa Chery Tiggo (4-3).
Humataw ang Foxies ng 25-22, 26-24, 25-21 panalo sa Chameleons, samantalang lumasap ang Crossovers ng 25-20, 25-20, 23-25, 15-25, 7-15 kamalasan sa Petro Gazz Angels (6-1) sa mag huli nilang laban.