MANILA, Philippines — Bumangon ang Akari mula sa isang first-set loss para resbakan ang sister team Nxled, 21-25, 25-20, 26-24, 25-18, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Humataw si Ivy Lacsina ng 17 points mula sa 14 attacks, dalawang service ace at isang block para ihatid ang Chargers ni Japanese coach Taka Minowa sa 4-4 record.
“Siyempre, unang-una sa lahat happy kasi natalo kami before this game, kaya parang boost din po sa amin itong pagkapanalo namin,” wika ni Lacsina sa nauna nilang 22-25, 16-25, 15-25 pagkatalo sa PLDT.
Nagdagdag si Faith Nisperos ng 16 markers habang may 15 sina Joy Soyud at Camille Victoria, ayon sa pagkakasunod.
Bigo pa rin ang Chameleons na makasampa sa win column sa nalasap na pang-pitong sunod na kabiguan para sa kabuuang 0-14 simula noong 2024 PVL Reinforced Conference.
Sa likod ni Chiara Permentilla ay kinuha ng Nxled ang first set, 25-21, bago nakatabla ang Akari sa second frame, 25-20, sa pamumuno nina Lacsina, Nisperos at Soyud.
Inilista ng Chameleons ang 21-20 bentahe sa third set kasunod ang kanilang mga attack errors na nagresulta sa 26-24 pagtakas ng Chargers at ilista ang 2-1 kalamangan.
Muling bumandera ang Nxled sa fourth frame, 10-7, hanggang maiwanan ng Akari sa 24-16.
Ang hataw at service ace ni Lycha Ebon ang naglapit sa Chameleons sa 18-24 bago tuluyang selyuhan ni Nisperos ang panalo ng Chargers sa kanyang cross court attack.