SGA aarangkada na sa Dubai meet
MANILA, Philippines — Puntirya ng Strong Group Athletics na magarbong simulan ang ratsada nito sa pagharap kontra sa host United Arab Emirates sa pag-arangkada ng 34th Dubai International Basketball Championships na lalarga ngayong araw sa Al Nasr Club Basketball Court.
Magkukrus ang landas ng SGA at UAE sa alas-11 ng gabi (oras sa Maynila) kung saan pakay ng Pinoy squad na masungkit ang unang panalo nito.
Raratsada rin ang Zamboanga Valientes na magsisimula ang kampanya sa Sabado kontra sa Sharjah SC sa alas-11 ng gabi (oras sa Maynila).
Sesentro muna ang atensiyon sa SGA na babanderahan ni dating NBA star DeMarcus Cousins na beterano na sa international tournaments.
Maliban sa kanyang malalim na karanasan sa NBA, kasama si Cousins sa US Dream Team na nagkampeon noong 2014 FIBA World Cup sa Spain at sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Naitala ng SGA ang 104-79 panalo laban sa UAE.
Ngunit ibang SGA team na ang sasabak ngayon.
Mas solido at mas malalim ang lineup.
Nariyan si 2024 Jones Cup Most Valuable Player Chris McCullough na makakatuwang ni Cousins sa tropa gayundin si NBA veteran Malachi Richardson.
- Latest