MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ng lakas si Alex Eala sa International Tennis Federation (ITF) W100 Tournament na ginaganap sa Bengaluru, India.
Naglatag ang Pinay netter ng malakas na puwersa para ilampaso si Arianne Hartono ng Netherlands sa bendisyon ng 6-2, 6-1 demolisyon upang umabante sa Round of 16 ng torneo.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ni Eala kay Hartono.
Nanaig din si Eala laban sa Dutch player sa semis ng W25 Roehampton noong 2023 sa Great Britain at sa second round ng W125 Canberra International ngayong buwan sa Canada.
Target ng fifth-seeded na si Eala na makahirit ng puwesto sa quarterfinals sa pagharap nito kay qualifier Dalila Jakupovic ng Slovenia na dumaan sa butas ng karayom bago makapasok sa second round.
Naitakas ni Jakupovic ang 7-6 (4), 3-6, 6-3 panalo kontra kay Elena Pridankina ng Russia.
Hindi pinalad si Eala na makapasok sa main draw ng prestihiyosong Australian Open matapos itong yumuko sa first round ng qualifying tournament.