Dyip umiskor sa Tropang Giga
MANILA, Philippines — Sapul ang dalawang ibon para sa Terrafirma gamit ang isang bato lang para sa masigabong pagtatapos ng kampanya nito sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup.
Nagliyab ang rookie na si Mark Nonoy sa career-high points upang magulungan ng Dyip ang paborito at No. 1 seed na TNT Tropang Giga sakay ng pambihirang 117-108 tagumpay kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Nakaiwas sa winless campaign ang Terrafirma matapos ang 11 sunod na kabiguan at naputol din ang 6-game winning streak ng TNT sa likod ng 33 puntos, 4 rebounds at 4 assists ng No. 10 draft pick na si Nonoy.
Nagbuslo si Nonoy ng 5 tres at 2 4-points sa 10-of-13 overall clip sa loob ng 23 minutong aksyon lang para sa Dyip na nabigyan din ng unang panalo ang bagong coach na si Raymond Tiongco kapalit ni Johnedel Cardel.
Subalit hindi nag-iisa si Nonoy sa higanteng silat ng Dyip nang magbuhos din ng 19 puntos, 12 rebounds at 6 assists ang import na si Brandon Walton-Edwards.
Umalalay din sa kanila si Louie Sangalang na may 16 puntos habang may tig-10 rin sina Aljun Melecio at Kemark Cariño para sa Terrafirma na sa TNT rin nakuha ang kaisa-isang panalo nito noong Governors’ Cup na pinagwagian pa rin ng Tropang Giga.
May bitbit na 0-8 baraha ang Dyip noon nang sindakin ang TNT, 84-72, bago ang 12-game losing skids sa kadugtong na Commissioner’s Cup.
- Latest