MANILA, Philippines — Mag-uunahang bumangon mula sa kabiguan ang sister teams na Akari at Nxled para buhayin ang pag-asa sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Lalabanan ng Chargers ang Chameleons ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng PLDT High Speed Hitters at Choco Mucho Flying Titans sa alas-6:30 ng gabi.
Nakalasap ang Akari (3-4) ng 22-25, 16-25, 15-25 pagkatalo sa PLDT (4-2) habang nagmula ang Nxled (0-6) sa 22-25, 24-26, 21-25 pagyukod sa Farm Fresh (3-3).
Muling aasahan ng Chargers sina Ivy Lacsina, Faith Nisperos, Erika Raagas, Ezra Madrigal at Justine Jazareno katapat sina EJ Laure, Jaila Atienza, Lycha Ebon at Chiara Permentilla ng Chameleons.
Hindi pa rin maglalaro si star player Grethcel Soltones para sa Akari dahil sa kanyang minor knee injury.
Ang unang panalo naman sa torneo ang hangad ng Nxled ni Italian coach Guidetti Ettore.
“Ang mindset ko and namin siyempre bibigay pa rin namin ‘yung best namin kasi maganda naman talaga tinetraining namin, gagawin lang namin siya sa game,” wika ng 27-anyos na si Laure.
Sa kabuuan, kasama ang nakaraang 2024 PVL Reinforced Conference, ay nahulog ang Chameleons sa ika-13 sunod na pagkatalo.
Samantala, kapwa target ng High Speed Hitters at Flying Titans (4-3) ang kanilang ikalawang sunod na panalo ngayong 2025.
Humataw ang PLDT ng 25-22, 25-16, 25-15 panalo sa Akari, samantalang pumalo ang Choco Mucho ng 20-25, 20-25, 25-22, 25-22, 15-9 come-from-behind win sa ZUS Coffee.