Cignal balik sa porma
MANILA, Philippines — Bumalik sa kanilang winning form ang Cignal HD matapos walisin ang Galeries Tower, 25-17, 25-20, 25-19, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Vanie Gandler ng 17 points mula sa 13 hits, tatlong service ace at isang block para itaas ang baraha ng HD Spikers sa 5-1 at makabangon sa naunang kabiguan sa Petro Gazz Angels.
“I’m really happy with the performance of the team kasi inside the court you can really hear everyone leading in their own ways, as in teamwork talaga,” wika ni Gandler.
Ito ang unang laro ng tropa ni coach Shaq delos Santos na wala ang mga kumalas na sina outside hitter Ces Molina at middle blocker Riri Meneses.
“Iyong performance hindi naman nagbabago. Actually, mas nag-e-enjoy pa nga sila and nagko-commit talaga sila doon sa mga obligation na dapat nilang trabahuhin and roles,” ani Delos Santos.
Nagdagdag sina Jacqueline Acuna, Roselyn Doria at Rochelle Lalongisip ng tig-siyam na marka, habang may 19 excellent digs si libero Dawn Macandili at 15 excellent sets si Gel Cayuna.
Umiskor sina Julia Coronel at Ysabel Jimenez ng tig-walong puntos sa panig ng Highrisers na nahulog sa 1-6 marka kasama ang dalawang dikit na kabiguan.
Sa ikalawang laro, nagkuwintas si Jema Galanza ng 12 points at 10 excellent digs sa 25-19, 25-19, 25-18 dominasyon ng nagdedepensang Creamline sa Capital1 Solar Energy.
Nag-ambag si Tots Carlos ng 10 markers para sa imakuladang 5-0 record ng Cool Smashers.
Bagsak ang Solar Spikers sa 1-5 kartada.
- Latest