MILWAUKEE — Humakot si Giannis Antetokounmpo ng 34 points at 15 rebounds sa 123-109 pagsuwag ng Bucks sa Philadelphia 76ers.
Nag-ambag si Damian Lillard ng 25 points para sa Milwaukee (24-17) at may 13 markers at 8 boards si Khris Middleton mula sa bench.
May 12 points si Brook Lopez kasunod ang 11 markers ni Taurean Prince.
Nagpasabog si Tyrese Maxey ng 37 points sa panig ng Philadelphia (15-26) na nakahugot kina Kelly Oubre Jr., Ricky Council IV at Eric Gordon ng 19, 13 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang ikaanim na sunod na kabiguan ng 76ers na naglaro na wala sina injured Joel Embiid, Paul George, Kyle Lowry at Guerschon Yabusele.
Ang reverse dunk ni Antetokounmpo kasunod ang step-back 3-pointer ni Middleton ang nagbigay sa Bucks ng 59-50 bentahe na hindi na nila binitawan hanggang sa fourth period.
Sa Oklahoma City, naglista si Shai Gilgeous-Alexander ng 27 points at 10 assists sa 127-101 demolisyon ng Thunder (35-7) sa Brooklyn Nets (14-29).
Sa Inglewood, California, umiskor si Norman Powell ng 22 points at tumipa si James Harden ng 21 points at 12 assists sa 116-102 paglunod ng Los Angeles Clippers (24-17) sa Lakers (22-18).
Sa Miami, dinuplika ni rookie Kel’el Ware ang kanyang season high 25 points sa 128-107 pagsunog ng Heat (21-20) sa San Antonio Spurs (19-22).