MANILA, Philippines — Winasiwas ng Converge ang Blackwater, 127-109, upang masolo ang segunda puwesto at mamuro sa twice-to-beat incentive ng PBA Commissioner’s Cup quarterfinals kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Halos hindi pinawisan ang FiberXers nang pakainin agad ng alikabok ang Bossing sa first quarter tungo sa tambak na tagumpay upang umangat sa 8-3 kartada.
Nakawala ang Converge mula sa 4-way tie kasama ang Meralco, NorthPort at Hong Kong Eastern na may parehong 7-3 kartada sa dikdikang karera para sa Top 2 na tampok ang win-once bonus sa quarterfinals.
Nasa tuktok sa ngayon ang TNT hawak ang 6-2 baraha para mamuro sa isa pang twice-to-beat.
Nagawa ito ng FiberXers sa likod ng kalat na opensa sa pangunguna ng 22 puntos, 3 rebounds at 5 assists ni Jordan Heading.
Humakot ng 20 puntos at 18 rebounds ang import na si Cheick Diallo habang may parehong output na 20 puntos ang No.1. rookie pick na si Justine Baltazar sahog pa ang 10 rebounds, 2 assists, 3 steals at 2 tapal para sa pinakamaganda niyang performance.
Solido rin ang kontribusyon na 19 puntos ni Alec Stockton habang may tig-10 puntos sina Schonny Winston at JL Delos Santos. May tig-8 rin sina Bryan Santos at Mike Nieto.
Huling assignment ng Converge ni coach Franco Atienza ang San Miguel at kung mananalo ay gaganda ang tsansa sa twice-to-beat bagama’t depende pa rin sa laro ng ibang koponan dahil sa dikit-dikit na standings.
Kagagaling lang ng Converge sa 103-96 panalo kontra sa top team din na Rain or Shine at ito ang sinakyan nilang momentum upang kumaripas sa 33-26 abante sa first quarter bago lumamang ng hanggang 20 puntos tungo sa kumbinsidong panalo.