Rosario may misyon sa pagbabalik sa Gilas

Ginebra's Troy Rosario (1) puts up a shot over TNT's Rondae Hollis-Jefferson during their PBA Commissioner's Cup clash Friday.

MANILA, Philippines — Matamis na higanti ang misyon ni Troy Rosario sa kanyang pagbabalik sa Gilas Pilipinas training pool para sa huling window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers sa susunod na buwan.

“Happy na makakabalik ulit sa Gilas after three years yata. Well, hindi na­ging maganda ‘yung last (stint) noong SEA Games 2022 so bounce back siguro,” ani Rosario na huling naglaro noong 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.

“In-ask ako nina Boss Alfrancis (Chua) and coach Tim. Mga boss na nagsabi so why not try? Siyempre para sa bayan. ‘Yun lagi kong iniisip kapag pinapatawag ako sa national team. Wag kang hihindi sa bayan.”

Kasali si Rosario sa koponan ni dating Gilas head coach Chot Reyes na yumukod sa Indonesia, 85-81, para magkasya lang sa pilak na medalya ng SEA Games sa unang beses sa loob ng 33 taon.

Ngayon, may pagkakataon na siyang makabawi sa gabay naman ni Cone na head coach niya rin sa bagong koponan na Barangay Ginebra sa PBA.

Napili si Rosario na samahan ang Gilas dahil sa injuries ng ibang players nito tulad nina Kai Sotto (ACL) at Kevin Quiambao (sprain) na naglalaro sa Japan B. League at Korean Basketball League, ayon sa pagkakasunod.

Wala pang kasiguruhan kung mapapasali sa Final 12 ang 32-anyos na si Rosario pero nangakong ibubuhos ang lahat para makasabay sa mga mas batang manlalaro ng Nationals.

Para kay Rosario, siya ngayon ang magsisilbing Kuya kasama ang ibang beteranong sina June Mar Fajardo at Japeth Aguilar sa mga bagitong Gilas na sina AJ Edu, Carl Tamayo, Dwight Ramos, Mason Amos at Calvin Oftana gaya ng ginawa sa kanya ng dating mga Gilas vete­rans na sina Marc Pingris at Ranidel de Ocampo.

Swak na sa Asia Cup ang Gilas hawak ang 4-0 kartada sa Group B su­balit susubok na mawalis ito para sa magandang momentum sa Asian tourney na gaganapin sa Saudi Arabia sa Agosto.

Show comments