Arthur’s Theme nanilat sa pista

MANILA, Philippines — Napasigaw ang mga dehadista ng tawirin ng Arthur’s Theme ang meta at sikwatin ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.

Hinawakan ng True Story ang bandera matapos ang malasibat na pag-alis sa aparato, nasa pangalawang puwesto ang A.M. Espresso at pangatlo ang Queen Ella.

Hindi nababanggit ng race caller ang dehadong Arthur’s Theme sa kaagahan ng karera pero pagsapit ng huling kurbada ay nasama na ang winning horse sa mga rumeremate.

Matindi ang sigawan ng mga karerista sa Lady Bug Red nang agawin nito ang bandera sa liyamadong Queen Ella sa huling 75 metro ng karera sa rektahan.

Subalit biglang bumulaga ang Arthur’s Theme sa bandang labas at natuka nito ang finish line ng nguso lang ang pagitan sa pumangalawang Lady Bug Red.

Ginabayan ni veteran jockey Dan Camanero, nire­histro ng Arthur’s Theme ang tiyempong 1:30.6 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si A.B. Aquino ang P15,000 added prize.

Dumating na tersero ang Queen Ella habang pumang-apat ang A.M. Espresso.

Kinubra din ng breeder ng nanalong kabayo ang P4,500 habang P1,000 at P500.00 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).

Show comments