Eastern dinakma ang playoff ticket
MANILA, Philippines — Sinagasaan ng Hong Kong Eastern ang kulelat na Terrafirma, 134-110, upang makapag-martsa sa playoffs ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ininda ng Eastern ang ankle injury ng import na si Chris McLaughlin at nahirapan sa simula bago kumawala sa second half tungo sa 7-3 kartada at diretso sa playoffs ng 13-team field.
Higit doon ay nanatiling nasa kontensyon ng Top 2 at ‘twice-to-beat’ incentive ang Hong Kong katabla ngayon ang Converge at NorthPort – na swak na rin sa playoffs – para sa segunda puwesto.
Sa pagkawala ni McLaughlin na nadale agad ng injury sa unang limang minuto ng laban, sumandal ang Hong Kong sa local unit nito na binanderahan ni Ramon Cao na 23 points at 7 rebounds.
Nagkapit-bisig din sina Kobey Lam at Steven Guinchard na may tig-20 points, habang may 16, 13 at 11 markers sina Hayden Blankley, Hao Zhu at Yuet Yeung Pok, ayon sa pagkakasunod, para sa Hong Kong na iniskor ang pinakamataas na puntos sa lahat ng koponan ngayong conference.
Subalit hindi ito naging madali dahil bukod sa injury ng kanilang import ay kinailangang ipagpag ng Eastern ang pagod nito mula sa siksik na schedule bunsod din ng partisipasyon nila sa East Asia Super League.
Noong Enero 5 pa huling sumabak ang Hong Kong sa PBA matapos ang 88-83 kabiguan kontra sa Meralco subalit pabalik-balik sa homecourt nito at dito sa Pinas para sa EASL kung saan kagagaling lang nila sa 84-74 panalo sa San Miguel Beer kamakalawa sa parehong venue.
Ito ang dahilan ng maalat na gapang ng Eastern na kinailangan munang painitin ang makina sa first half kung saan sila natulog sa pansitan.
Naghahabol pa sa 76-78 ang mga bataan ni coach Mensur Bajramovic sa huling tatlong minuto ng third quarter bago makalayo sa 81-71 sa fourth quarter.
- Latest