MANILA, Philippines — May bagong koponan na si Risa Sato.
Matapos umalis sa nagdedepensang Creamline ay lumipat si Sato sa Chery Tiggo ilang araw bago ang pagbabalik ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
“Yokoso Risa-san! To our newest addition to our growing family, welcome! Your skills and energy are a game-changer and we can’t wait to have you on the court with us,” wika ng Crossovers sa kanilang social media post kahapon.
Noong Nobyembre 8 ay hiniling ni Sato ang kanyang release papers sa Cool Smashers matapos ang isang historic year kung saan nakamit ng tropa ni coach Sherwin Meneses ang kauna-unahang PVL Grand Slam.
Inaprubahan ng Creamline ang nasabing contract termination ng three-time Best Middle Blocker na nagtapos noong Disyembre.
Matapos ito ay nakita ang Fil-Japanese spiker sa kampo ng bago niyang tropa.
Bahagi si Sato ng 10 PVL championships ng Cool Smashers sa loob ng 13 conferences.
Sisimulan ng 5-foot-9 middle blocker ang kanyang paghataw sa Chery Tiggo sa pagsagupa sa Petro Gazz sa Martes sa Philsports Arena sa Pasig City.
Inaasahang maibabahagi ng 30-anyos na si Sato ang kanyang malawak na eksperyensa sa Crossovers na may 4-2 record para sa fourth place.
Makakasama ni Sato sa middle blocker rotation ng Chery Tiggo sina veterans Aby Maraño, Pauline Gaston, Czarina Carandang at Seth Rodriguez.