MANILA, Philippines — Masisilayan ng mga karerista ang tikas ng Senor Ivarra sa paglarga ng “3-Year-Old Maiden Stakes Race (1)” sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas sa darating na Linggo.
Gagabayan ni class A rider at December 2024 top jockey, John Alvin Guce ang Senor Ivarra, makakatagisan nila ng bilis ang pitong mahuhusay na kabayo sa distansyang 1,400 meter race.
Ang ibang nagdeklara ng pagsali ay sina Cerveza, Golden Diet, Gypsy Rhythm, Lilly Bell, The King’s Charm, Title Holder at Vinalot Eyu, suportado ito ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ang nasabing stakes race.
Paniguradong mainit ang magiging labanan dahil nakataya ang P1M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.
Mag-uuwi ng P600,000 ang mananalo, P200,000 ang mapupunta sa pangalawa habang P100,000, P50,000, P30,000 at P20,000 ang third hanggang sixth placers, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, nakatakdang parangalan si Guce sa magaganap na San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night sa Enero 27 sa Centennial Hall sa Manila Hotel bilang Jockey-of-the Year.