MANILA, Philippines — Tinapos ng Choco Mucho ang taong 2024 bitbit ang 3-3 kartada sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Ito ay dahil na rin sa kakulangan ng players ni coach Dante Alinsunurin kagaya nina injured setter Deanna Wong (knee) at middle blocker Aduke Ogunsanya (ACL).
“Sinabi ko nga sa kanila na kung may nagiging problema tayo pagdating sa tao, ngayon sana pagdating ng January maging maayos na ‘yung takbo ng team natin,” ani Alinsunurin.
“Kung anuman ‘yung pangangailangan natin sa tao, nandiyan lagi every time na tatawagin ko, every time na kailangan namin sa loob ng court ay magpe-perform,” dagdag pa ng Flying Titans mentor.
Sa kanilang huling laro noong Disyembre 12 ay tinakasan ng Choco Mucho ang Farm Fresh, 25-20, 25-21, 21-25, 25-27, 15-12.
“Kailangan talaga ‘yung jelling ng team, siguro more team building pa, more team bonding pa para ‘yung gusto namin ay iisa na lang,” ani Alinsunuri.
Magbabalik ang mga aksyon sa Sabado kung saan haharapin ng Flying Titans ang ZUS Coffee Thunderbelles sa alas-4 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Nasa two-game losing skid ang Thunderbelles matapos humataw ng dalawang sunod na panalo para sa kanilang 2-3 marka.