MANILA, Philippines — Lumanding sa No. 1 si class A rider John Alvin Guce sa top 20 jockey para sa buwan ng Disyembre 2024 sa inilabas na listahan ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nakapagtala si Guce ng 12 panalo, nasa pangalawa si Conrad Henson na may pito at magkasalo sa pangatlo sina Kelvin Abobo, Jomer Estorque at Jeffrey Bacaycay na may tig-anim.
Tig-limang panalo naman ang kinana nina John Allyson Pabilic at Claro S. Pare habang si Patricio Ramos Dilema ay nakalikom ng apat.
Naipanalo ni Dilema ang Batang Manda sa naganap na prestihiyosong karera na 2024 Presidential Gold Cup, pag-aari ni Benhur Abalos Jr. ang nasabing kabayo.
Ang Rocking Bell naman ang nanguna sa listahan ng kabayong may maraming panalo noong Disyembre, may tatlo ito habang tig-dalawa ang nasikwat ng Celebrity, Hot Legs, Lucky Hilda, Majestic Star, Mano Dura, Mommy’s Love, Mr. Old Rich, Queen Margaux, Runway Ten, Sampaloc’s Pride at Velvet Haze.
Samantala, pararangalan si Guce bilang Jockey of the Year sa magaganap na San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night sa Enero 27 sa Centennial Hall sa Manila Hotel.