MANILA, Philippines — Kikilalanin ang kontribusyon ni Philippine Olympic Committee (POC) president Bambol Tolentino na siyang gagawaran ng Executive of the Year sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night na idaraos sa Enero 27 sa Manila Hotel.
Ibibigay ang naturang parangal kay Tolentino dahil sa matikas na kampanya ng Team Philippines sa 2024 Paris Olympics.
Si Tolentino rin ang namumuno sa Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) at muling nahalal bilang POC president noong Nobyembre.
Humakot ang Pinoy athletes ng dalawang ginto at dalawang tanso sa Paris Games.
Umani ng dalawang ginto si gymnast Carlos Yulo sa men’s floor exercise at men’s vault habang nakasiguro naman ng tanso sina female boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas.
Dahil dito, ibibigay kay Tolentino ang Executive of the Year award sa programang co-presented ng ArenaPlus, Cignal at MediaQuest.
Ito ang ikatlong Executive of the Year award ni Tolentino matapos ang back-to-back nito noong 2021 at 2022.
Nangunguna sa listahan ng mga pararangalan si Yulo na siyang gagawaran ng Athlete of the Year award sa event na suportado ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, PLDT/Smart, Milo, Senator Bong Go, at Januarius Holdings, may suporta rin sa PBA, PVL, 1-Pacman Party List, Rain or Shine, Akar at AcroCity.
Maliban kay Yulo, kasama rin sa gagawaran sina Petecio at Villegas gayundin ang iba pang mga natatanging atleta at personalidad.