Pacers tinapos ang pananalasa ng Cavs

Tinirahan ni Indiana Pacers center Myles Turner si Cleveland Cavaliers forward Isaac Okoro

CLEVELAND — Umiskor si Andrew Nembhard ng 19 points at may 18 markers si Pascal Siakam sa 108-93 pagdaig ng Indiana Pacers sa Cavaliers at tapusin ang 12-game winning streak ng NBA-leading team.

Tumipa si Myles Turner ng 15 points at 10 rebounds para sa ikaanim na dikit na ratsada ng Indiana (22-18).

Ito ang unang kabiguan ng Cleveland (33-5) sapul nang matalo sa Miami noong Disyembre 8.

Nagtala si guard Darius Garland ng 20 points at 7 assists para sa Cavaliers na nakahugot ng 19 points kay Donovan Mitchell at 16 points at 12 rebounds kay Evan Mobley.

Bumangon ang Pa­cers mula sa 45-60 agwat sa third period mula sa kinamadang 32-7 atake para iposte ang sariling double-digit advantage sa fourth quarter.

Sa Boston, nagkuwintas si Jayson Tatum ng 38 points at 11 rebounds para banderahan ang nagdedepensang Celtics (28-11) sa 120-119 pagtakas sa New Orleans Pelicans (8-32).

Sa Chicago, naglista si Domantas Sabonis ng 22 points, 15 rebounds at 8 assists sa 124-119 panalo ng Sacramento Kings (20-19) sa Bulls (18-21).

Sa New York, nagpasabog si Jalen Brunson ng 44 points sa 140-106 pagmasaker ng Knicks (26-14) sa Milwaukee Bucks (20-17).

Sa Dallas, nagsumite si Russell Westbrook ng 21 points, 10 rebounds at 7 assists at humakot si Nikola Jokic ng 19 points, 18 rebounds at 9 assists sa 112-101 paggupo ng Denver Nuggets (23-15) sa Mavericks (22-17).

Show comments