Converge, ROS agawan sa bonus

MANILA, Philippines — Matapos tumiklop at maputol ang winning streaks kontra sa magkaibang karibal, magsasabong ang top teams na Rain or Shine at Converge upang magpuwestuhan sa ‘twice-to-beat’ bonus ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Ninoy Aquino Stadium.

Segunda puwesto ang Elasto Painters ngayon hawak ang 5-2 kartada habang kasosyo ng FiberXers sa tersera ang guest team na Hong Kong Eastern at Barangay Ginebra na may pare-parehong 6-3 kartada.

Isa ang aangat upang makalapit sa lider na NorthPort (7-1) at makapuro sa Top 2 finish tampok ang ‘twice-to-beat’ bonus sa quarterfinals pagkatapos ng duwelo nila sa alas 7:30 ng gabi.

Bago iyon ay walang balak magpaawat ang Batang Pier kontra sa Meralco (5-3) sa alas-5 ng hapon.

Subalit ang atensyon ay nasa RoS at Converge na tangkang bumalikwas agad sa winning column matapos ang masasaklap na kabiguan kontra sa Phoenix at Talk ‘N Text, ayon sa pagkakasunod.

Napatid ang 5-game winning streak ng Elasto Painters kontra sa Fuel Masters, 93-91, habang bumalentong ang Fiber­Xers sa Tropang Giga, 98-96, matapos ang apat na sunod na panalo.

Pitpitan ang inaasa­hang laban sa pagitan ng RoS at Converge bida ang mga pambatong imports na sina Deon Thompson at Cheick Diallo, ayon sa pagkakasunod.

Sasandal si RoS mentor Yeng Guiao sa local crew nito sa pangunguna nina Andrei Caracut, Adrian Nocum, Santi Santillan, Jhonard Clarito, Keith Datu, Beau Belga at Nick Demusis upang suportahan si Thompson na No. 5 sa Best Import race sa kalagitnaan ng 13-team eliminations.

Aalalay naman kay D­iallo, No. 7 sa karera, sina top rookie Justine Baltazar, Jordan Heading, Schonny Winston, Justin Arana, Alec Stockton at Kevin Racal para sa tropa ni coach Franco Atienza.

Show comments