MANILA, Philippines — Nakatakda nang magretiro si dating Gilas Pilipinas naturalized player Andray Blatche.
Ngunit bago ito mangyari, sasabak muna ito suot ang jersey na may tatak ng Pilipinas kasama ang Strong Group Athletics na masisilayan sa aksyon sa Dubai International Basketball Tournament mula Enero 24 hanggang Pebrero 2.
Excited na si Blatche na muling lumaro para sa SGA na magsisilbi nitong huling torneo bago magretiro.
Kaya naman hindi maiwasan ni Blatche na alalahanin ang mga naging magandang karanasan nito sa Gilas Pilipinas kung saan itinuturing nitong second home ang Pilipinas.
Pinuri ni Blatche ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Pinoy fans gayundin ng coaching staff, ng Samahang Basketbol ng Pilipinas at mga staff.
“It made the Philippines like second home for me, just the love and support. The fans that I made, my teammates, and coach, and staff is just amazing,” ani Blatche.
Makakasama ni Blatche sa SGA si dating NBA star at Olympic gold medalist DeMarcus Cousins na hinugot din ng tropa para palakasin pa ang kampanya nito sa Dubai meet.
Mismong si Cousins na ang nagpost nito sa kanyang social media kamakailan.
“I’m excited to announce that I’ll be teaming up with Coach Charles Tiu, Jacob Lao and Strong Group Athletics to represent the Philippines in the Dubai International Basketball Tournament,” ani Cousins.