3 ace players out na sa Lady Warriors
MANILA, Philippines — Muling sasailalim sa rebuilding ang University of the East matapos mabangasan ang lineup nito para sa nalalapit na pagbubukas ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
Bumungad ang mga ulat na umalis na sa kampo ng Lady Warriors ang ilang key players nito kasama na si outside hitter Casiey Dongallo.
Bukod kay Dongallo, umalis na rin umano sina playmaker Kizzie Madriaga at spiker Jelai Gajero.
Walang pang kumpirmasyon ang tatlong players sa mga balita. Subalit ayon sa ilang sources, lumipat ang tatlo sa University of the Philippines.
Malaking kawalan sina Dongallo, Madriaga at Gajero sa Lady Warriors.
Isa si Dongallo sa pinagkukunan ng lakas ng UE sa nakalipas na season kung saan nakalikom ito ng kabuuang 291 puntos sa Season 86.
Subalit hindi ito sapat para buhatin ang UE sa Final Four matapos magtapos ang kampanya ng Lady Warriors tangan ang 3-11 rekord.
Maaasahan din si Gajero sa opensa dahil sa mga pamatay nitong atake habang si Madriaga ang isa sa itinuturing na susunod sa yapak ng ilang mahuhusay na playmakers sa liga.
Kung matutuloy ang paglipat nina Dongallo, Madriaga at Gajero, sasailalim ito sa one-year residency bago makapaglaro suot ang Fighting Maroons jersey.
Napaulat na nasa UP coaching staff na si dating UE coach Obet Vital — ang mentor nina Dongallo, Madriaga at Gajero noong nasa juniors pa ito sa California Academy.
Dating coach ng UE si Vital subalit lumisan ito noong Disyembre.
- Latest