MANILA, Philippines — Nabulaga ng Cole Is Right ang mga nakatunggali nang bigla itong sumulpot sa rektahan upang makuha ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Ginabayan ni jockey Jeffrey Bacaycay, nag-abang lang ito sa bandang likuran upang panoorin ang mga matutulin sa largahan na Blue Bubble, Sandstorm, Music N Magic at Marvin’s Pride.
Bentahe ng dalawang kabayo ang Blue Bubble sa kalagitnaan ng karera nasa pangalawang puwesto ang Marvin’s Pride, pangatlo ang Music N Magic at nasa pang-apat ang Sandstorm.
Papalapit sa far turn ay nagkapanabayan na sa unahan ang Blue Bubble, Music N Magic at A.M. Espresso at umabot ang kanilang bakbakan hanggang sa huling kurbada.
Pagsapit sa rektahan ay lalong uminit ang banatan sa unahan ng Blue Bubble at Music N Magic at nasa bandang labas na ang Enough Is Enough ng biglang sumulpot sa gitna ang Cole Is Right.
Kaya tinawid ng Cole Is Right ang meta ng may kalahating kabayo ang agwat sa pumangalawang Enough Is Enough, tersero naman ang Blue Bubble.
Nilista ng Cole Is Right ang tiyempong 1:29 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang P22,000 added prize para sa winning horse owner.
Kumubra naman ang breeder ng nanalong kabayo ng P4,500.