Ginebra balik agad sa porma

Isinalpak ni Jamie Malonzo ng Ginebra ang isang two-handed slam dunk kontra sa Blackwater.
PBA Image

MANILA, Philippines — Mabilis na bumalikwas ang Barangay Ginebra matapos hambalusin ang Blackwater, 86-63, upang makabalik sa winning co­lumn ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.

Mala-lintang depensa ang ipinamalas ng Gin Kings, lalo na sa third quarter, upang kumawala sa makulit na Bossing tungo sa 6-3 kartada.

Nakatabla ng Ginebra ang guest team na Hong Kong Eastern at Converge sa ikatlong puwesto sa likod lang ng Rain or Shine (5-2) at NorthPort (7-1) na tumalo sa kanila kamakalawa, 119-116.

Anim na manlalaro ang umiskor ng 8 puntos pataas para sa mga bataan ni coach Tim Cone sa pamumuno ng 18 puntos, 7 rebounds, 4 assists, 1 steal at 1 tapal ni import Justine Brownlee.

May 15 puntos, 2 rebounds, 1 assist at 1 steal na kontribusyon ang super rookie na si RJ Abarrientos habang may 10 at 9 puntos sina Japeth Aguilar at Maverick Ahanmisi, ayon sa pagkakasunod.

Nagkasya lang sa 5 puntos, 2 rebounds at 6 assists ang ace player na si Scottie Thompson habang may tig-8 puntos sina Stephen Holt, Troy Rosario at Jamie Malonzo para sa balanseng atake ng Gin Kings.

Maugong na pagbabalik ito ni Malonzo mula sa ilang buwang pagkakatengga dahil sa calf injury upang halos kumpletuhin na ang solidong roster ng Ginebra maliban kay Jeremiah Gray na galing sa ACL injury.

Abante lang nang bahagya ang Gin Kings sa halftime, 39-32, bago mag­lunsad ng 27-13 ratsada sa third quarter na naging sapat na upang makaldag ang Blackwater tungo sa 23-puntos na tagumpay.

Laglag sa 1-7 ang tropa ni coach Jeff Cariaso sa kabila ng 27 puntos, 6 rebounds, 1 assist at 1 tapal ni George King pati na ang 10 puntos ni Jaydee Tungcab.

Tanging si Rey Suerte lang ang nakapag-ambag na may 9 puntos para sa Bossing.

 

Show comments