Raptors pisak sa Pistons

Raptors pisak sa Pistons

DETROIT — Nagsumite si Cade Cunningham ng triple-double na 22 points, 17 assists at 10 rebounds para tulungan ang Pistons sa 123-114 pagpapatumba sa Toronto Raptors.

Nagdagdag si Tim Hardaway Jr. ng 27 points para sa pang-siyam na panalo ng Detroit (20-19) sa huling 11 laro habang may 18 markers si Malik Beasley.

Pinangunahan ni Immanuel Quickley ang Toronto (8-31) sa kanyang 25 points at nagtala si Scottie Barnes ng 16 points at 11 rebounds.

Ang jumper ni Quickley ang nagtabla sa Raptors sa 109-109 bago naagaw ng Pistons ang 113-109 bentahe sa huling 3:48 minuto ng fourth period mula sa short jumper ni Cunningham.

Kinuha ng Toronto ang 66-65 halftime lead, samantalang ang 11 points ni Hardaway sa third quarter ang nagbigay sa Detroit ng 99-93 kalamangan.

Sa Portland, nagpa­putok si Tyler Herro ng 32 points, kasama rito ang pitong three-pointers, para banderahan ang 119-98 panalo ng Miami Heat (20-17) sa Trail Blazers (13-25).

Sa Minneapolis, ipinasok ni Ja Morant ang isang tie breaking jumper sa huling 18 segundo habang kumamada si Jaren Jackson Jr. ng 33 points sa 127-125 pagtakas ng Memphis Grizzlies (25-14) sa Minnesota Timberwolves (20-18).

Samantala, muling ipinagpaliban ng NBA ang mga laro ng Los Angeles Lakers at Clippers dahil sa nangyayaring wildfire sa Southern California.

Nakatakda sanang labanan ng Lakers ang San Antonio Spurs at ang Clippers kontra sa Charlotte Hornets.

Show comments