Thaddeus pinasaya ang mga dehadista
MANILA, Philippines — Pasiklab ang Thaddeus sa pista matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan, Batangas noong Sabado ng hapon.
Kalmadong pinalabas sa aparato ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate ang Thaddeus, ipinuwesto lang sa tersero upang panoorin sa unahan ang matulin sa alisan na Boss Ako Naman habang nasa pangalawa ang Just Me.
Pagdating sa kalagitnaan ng karera ay tangan ng Boss Ako Naman ang isa’t kalahating bentahe sa humahabol na Just Me at Thaddeus habang lumalapit sa pang-apat na puwesto ang Big Battle.
Papalapit ng far turn ay magkapanabayan na sa unahan ang Boss Ako Naman, Thaddeus at Big Battle nauupos naman sa pang-apat ang Just Me.
Pero pagsungaw ng rekta ay ang Boss Ako Naman at Thaddeus ang nagbabakbakan sa unahan nasa pangatlo ang Big Battle habang malakas ang dating ng Bantay Sarado.
Kumalas ang Thaddeus at iniwanan na nito ang Boss Ako Naman sa rektahan at kahit malakas ang dating ng Bantay Sarado ay nanatili sa unahan ang winning horse.
Tinawid ni Thaddeus ang meta ng may tatlong kabayo ang agwat sa pumangalawang Bantay Sarado, pangatlo ang Boss Ako Naman habang pang-apat ang Big Battle.
Nirehistro ng Thaddeus ang tiyempong 1:26.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Eduardo Gonzales ang P10,000 added prize.
Nakopo naman ng breeder ng nanalong kabayo ang P4,000 habang P1,000 ang napunta sa second placer.
- Latest