NEW YORK - Umiskor si Shai Gilgeous-Alexander ng 39 points sa loob ng 29 minuto para gabayan ang Oklahoma City Thunder sa 126-101 dominasyon sa Knicks.
Bumawi ang Oklahoma City (31-6) mula sa 122-129 pagkakapigil ng Cleveland Cavaliers sa kanilang 15-game winning streak.
Nagdagdag si Isaiah Joe ng 31 points.
Pinamunuan ni Jalen Brunson ang New York (25-14) sa kanyang 27 points kasunod ang 23 markers ni Karl-Anthony Towns.
Humataw ang Thunder ng 36 points sa first half patungo sa 70-43 pagtambak sa Knicks sa third quarter.
Sa Boston, humakot si Domantas Sabonis ng 23 points at career-high 28 rebounds para sa 114-94 pagsapaw ng Sacramento Kings (19-19) sa nagdedepensang Celtics (27-11).
Sa Orlando, kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 41 points at 14 rebounds sa 109-106 pagtakas ng Milwaukee Bucks (20-16) sa Magic (22-18) bagama’t kumamada ng 34 points ang nagbabalik na si Paolo Banchero.
Sa Philadelphia, nagpaputok si CJ McCollum ng 38 points sa 123-115 panalo ng New Orleans Pelicans (8-31) sa 76ers (15-21).