MANILA, Philippines — Nagpakawala ng 7-0 panapos na bomba ang Talk ‘N Text upang manakaw ang 98-96 panalo kontra sa Converge sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Sumandal ang Tropang Giga sa malagkit nitong depensa nang hindi na paiskorin ang FiberXers sa huling 4 na minuto upang matunaw ang 91-96 deficit tampok ang go-ahead jumper ni Rondae Hollis-Jeferson para sa dikdikang tagumpay.
Ito na ang ikaapat na sunod na panalo ng TNT, na inalat sa unang dalawang laro, para sa 4-2 kartada sa gitna ng standings papasok sa krusyal na bahagi ng 13-team standings.
Tumikada ng 31 puntos, 11 rebounds, 4 assists, 2 steals at 1 tapal si Hollis-Jefferson upang trangkuhan ang patuloy na pananalasa ng Tropang Giga matapos ding takasan ang Meralco, 101-99, sa pagbabalik-aksyon nito kamakalawa.
Hindi rin nagpahuli si Roger Pogoy na nagbuhos ng 22 puntos, 5 rebounds, 1 assist at 2 steals.
Tampok sa produksyon ni Oftana, na standout ng Gilas Pilipinas, ang panablang tres sa 96-96 bago ang game-winner ni Hollis-Jefferson.
Pukpukan ang dalawang koponan na buong laro at walang nakaalagwa ng double digits bago maka-distansya nang bahagya sa 96-91 ang Converge sa 4:14 marka matapos ang back-to-back baskets ng reinforcement na si Check Diallo.
Subalit natameme na ang FiberXers buhat noon dahil sa mala-lintang depensa ng TNT.