MANILA, Philippines — Pinurnada ng Magnolia ang inaabangang debut ni Terrence Romeo para sa Terrafirma matapos ang dikit na 89-84 tagumpay sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Kumawala ang Hotshots sa fourth quarter upang ipagpag ang makulit na Dyip at makaangat sa 3-5 kartada papalapit sa krusyal na dulo ng 13-team elimination rounds.
Kumulimbat ng 32 points, 14 rebounds at 3 assists si import Ricardo Ratliffe upang trangkuhan ang balikwas ng Hotshots na naglustay ng 22-point lead sa huling laban nila sa ‘Christmas Clasico’ kontra sa Barangay Ginebra.
Nakasikwat ng alalay si Ratliffe mula kina Zavier Lucero, Ian Sangalang at rookie na si Jerom Lastimosa na tumabo ng 17, 13 at 11 points, ayon sa pagkakasunod.
May 8 points, 2 rebounds at 2 steals din na ambag si Aris Dionisio para mapunan ang opensa ng Hotshots matapos magkasya lang sa 4 at 2 points sina Mark Barroca at Calvin Abueva, ayon sa pagkakasunod, habang may iniinda pang meniscus injury si Paul Lee.
Dahil sa lagpas dalawang linggong pagkakatengga, kinalawang ang Magnolia at bigong matambakan agad ang wala pang panalong Terrafirma na taliwas sa inaasahan.
Hindi nakapagtayo ng double digits ang Magnolia na siyang pinakamalaki nang bentahe ang 82-75 matapos ang 7-0 ratsada.
Iyon lang ang kinailangang kawala ng Hotshots mula sa 75-75 tabla upang maiskor ang dikit na tagumpay.
Natameme lang sa 14 puntos at 8 rebounds ang import na si Brandon Walton-Edwards habang bumida sa local crew sina Stanley Pringle at Kevin Ferrer na may 14 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Terrafirma na sumasadsad sa 0-9.
Limang puntos ang ambag ni Romeo na kasama ni Vic Manuel sa trade.