MANILA, Philippines — Ngayon pa lang ay nagpaplano na si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone para punan ang mababakanteng puwesto ni Kai Sotto para sa FIBA Asia Cup Qualifiers sa susunod na buwan.
Nagtamo si Sotto ng torn anterior cruciate ligament (ACL) sa kaliwang tuhod nito na nalaman matapos ang MRI.
Malaking kawalan si Sotto sa Gilas Pilipinas kaya naman nalungkot si Cone lalo pa’t malaki ang papel ni Sotto sa rotation ng kanyang tropa.
“I’m heartbroken for him,” ani Cone.
Gayunpaman, tiwala si Cone na mabilis na makakarekober ang 22-anyos na si Sotto dahil bata pa ito.
Sasailalim sa operasyon si Sotto. Matapos nito, daraan sa anim na buwan na rehabilitasyon upang gumaling ng lubusan ang kanyang injury.
“Kai is young and he has a lot of basketball still ahead of him,” ani Cone.
Handa ang Gilas na hintayin ang paggaling ni Sotto, ang pagbabalik nito suot ang national team jersey.
Sa pagkawala ni Sotto, nagpaplano na si Cone kung paano pupunan ang naiwan nitong posisyon sa Gilas.
Mabuti na lamang at magaling na sa kanyang injury si AJ Edu na sumailalim din sa ilang buwan na rehabilitasyon noong nakaraang taon.
Nakabalik na sa paglalaro si Edu na kasalukuyang nasisilayan sa aksyon sa Japan B.League.