Tolentino umaasang malulutas ang pagkamatay ni Mervin Guarte

MANILA, Philippines — Umaasa si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na kaagad mareresolbahan ang kaso ng pagpatay kay obstacle sports racing (OCR) champion Mervin Guarte.

“He’s a big loss to Phi­lippine sports, for obstacle sports racing and athletics in particular,” sabi kahapon ni Tolentino. “I am hoping that the crime would be solved soon.”

Hihingi ng tulong ang POC chief kina Calapan City Mayor Malou Flores-Morillo at Oriental Mindoro Governor Humerlito Hyn Dolor ukol sa nangyaring pananaksak kay Guarte na miyembro ng gold medal-winning men’s relay team ng OCR sa Cambodia 2023 Southeast Asian Games.

Sinaksak ang 33-anyos na si Guarte, ang silver medalist sa 1,500 at 800 meters run sa 2011 SEA Games sa Indonesia, habang natutulog sa bahay ng kanyang kaibigan sa Calapan City noong Martes.

Nakikiramay si Tolentino sa Philippine Obstacle Sports Federation na ang pangulong si Atty. Al Agra ay iniluklok na pinuno ng arbitration committee ng POC kamakalawa.

Sinabi ni Tolentino na malaking kawalan si Guarte, isang Airman First Class ng Philippine Air Force, sa Philippine Athle­tics Track and Field Association kung saan niya sini­mulan ang kanyang career bilang national athlete.

Show comments