2024 maningning para sa Gilas

Ang dunk ni Gilas star Justine Brownlee laban sa Latvia.
FIBA photo

MANILA, Philippines — Nadapa at nasugatan ang Gilas Pilipinas noong nakaraang taon subalit mabilis na nakabangon bago tuluyang kumawala at maghasik ng dominasyon ngayong 2024.

Mula sa 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament hanggang sa 2025 FIBA Asia Qualifiers, nagpakitang-gilas ang Nationals upang mabawi ang pagkakilanlan nito bilang isa sa basketball superpower ng Asya.

Kasabay nito ang pagpapakilala ng Pilipinas bilang isa sa kaabang-abang na koponan sa buong mundo sa gabay ng master tactician na si Tim Cone.

Winalis ng Gilas ang apat na laban nito sa FIBA Asia Cup Qualifiers tampok ang makasaysayang tagumpay kontra sa New Zealand.

Sa tulong ng homecourt advantage, tinalo ng Gilas sa kauna-unahang pagkakataon ang New Zealand, 93-89, matapos ang tambak na kabiguan sa unang 4 nilang paghaharap tampok ang 24.3-point losing margin.

Binanderahan nina naturalized player Justin Brownlee, Kai Sotto, Dwight Ramos, Scottie Thompson at June Mar Fajardo ang tagumpay na sinundan ang dominasyon ng Gilas sa 3 pa nilang ibang laban.

Halos hindi pinawisan ang Gilas kontra sa Hong Kong, 94-64 at 93-54 pati na sa Chinese Taipei, 106-53, para sa 4-0 kartada sa Group B ng Asia Cup Qualifiers.

Dahil dito, pasok na agad ang Nationals sa mismong FIBA Asia Cup na gaganapin sa Jeddah, Saudi Arabia sa Hulyo 2025 kahit may 2 laban pang natitira sa huling window sa Pebrero ng Asian Qualifiers kontra sa Chinese Taipei at sa New Zealand.

Sa kabila ng tagumpay na ito, sa Europe pina­kanag-ningning ang Gilas matapos makipagsabayan sa mga top-ranked countries sa FIBA OQT sa Riga, Latvia.

Ginulat ng Gilas ang mundo nang silatin ang world No. 6 Latvia sa homecourt nito sa Riga, 89-80, para sa una nitong tagumpay kontra sa isang European team matapos ang 64 na taon.

Huling nanalo ang Gilas kontra sa pambato ng Europe na Spain noong 1960 Olympics, 84-82.

Natalo ang Gilas kontra sa world No. 24 na Georgia, 96-94, subalit nakapasok pa rin sa semifinals, kung saan nakasabay sila kontra sa world No. 12 na Brazil bago kapusin, 71-60.

Nakataya sana sa OQT ang pag-asa ng Gilas na makapasok sa Olympics simula noong 1972 edition sa Munich, Germany subalit kinapos lang nang bahagya. Brazil ang nakasikwat ng tiket papunta sa Paris Olympics matapos ang 94-69 panalo kontra sa Latvia sa OQT finals.

Sa kabila nito, pinatunayan ng Gilas ang bagong kalibre nito sa world stage sa ilalim ng sistema ni Cone at umaasang maisasakatuparan na ang pa­ngarap sa 2028 Los Angeles Olympics.

Matatandaang nabigo ang Gilas na makapasok nang direkta sa Paris Olympics noong nakaraang taon nang hind maging No. 1 Asian team sa 2023 FIBA World Cup na dito ginanap sa Pinas bago pagharian ang 2023 Asian Games sa unang pagkakataon matapos ang 61 na taon.

Show comments