Pinoy duo hari sa US Open

MANILA, Philippines — Ilang araw bago matapos ang taon, humabol sa pagbibigay ng karangalan sa bansa ang Pinoy table tennis team matapos magkampeon sa prestihiyosong 2024 US Open Table Tennis Championships na ginanap sa Las Vegas, Nevada.

Nagsanib-puwersa sina Khevine Khieth Cruz at Liam Zion Cabalu upang masiguro ang gintong medalya sa boys’ under-13 doubles event.

Pinataob ng Pinoy duo sina Kyler Chen at Liren Zhang na kinatawan ng host United States.

Produkto sina Cruz at Cabalu ng National Academy of Sports (NAS).

Nahugot si Cruz mula sa Tondo, Manila habang ga­ling naman si Cabalu sa Quezon.

Kasama nina Cruz at Cabalu sa delegasyon sina Ghianne Cordova ng Bacolod City, Alexa Gan ng Pasig City, Maria Angelli Cruz ng Bulacan at Angel Nueva ng Northern Samar.

Isa lamang ang US Open sa mahabang listahan ng napagwagian nina Cruz at Cabalu.

Nakahirit si Cruz ng ginto sa WTT Youth Contender 2024 Table Tennis Championships na ginanap noong Oktubre sa Dubai, United Arab Emirates. Sa parehong torneo rin nakasungkit ng pilak si Cabalu.

Show comments