MANILA, Philippines — Hindi malilimutan ng lahat ang taong 2024 dahil sa kaliwa’t kanang tagumpay ng mga atletang Pinoy partikular na sa malalaking international tournaments.
Isa na rito ang 2024 Olympic Games na ginanap sa Paris, France kung saan bumanat ang Pilipinas ng tumataginting na dalawang ginto at dalawang tansong medalya.
Pinakamaningning sa lahat si Carlos Edriel Yulo na bumanat ng dalawang gintong medalya sa men’s artistic gymnastics.
Unang pinagharian ni Yulo ang men’s floor exercise matapos makalikom ng 15.000 puntos mula sa 6.600 difficulty at 8.400 execution.
Tinalo ni Yulo sina silver medalist Artem Dolgopyat ng Israel at Filipino-British Jake Jarman ng Great Britain na nagkasya sa tansong medalya.
Sinundan ito ni Yulo ng isa pang gintong medalya sa men’s vault kung saan nagrehistro ito ng impresibong 15.116 puntos para masiguro ang ikalawang gintong medalya ng Team Philippines sa Paris Games.
Maliban sa dalawang gintong medalya ng Pilipinas, umani rin ng tig-isang tansong medalya sina boxers Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio (women’s featherweight) at Aira Villegas (women’s flyweight).
Dahil dito ay may tatlong gintong medalya na ang Pilipinas sa Olympic Games — una na ang ginto ni Hidilyn Diaz sa weightlifting competition noong 2020 Tokyo Olympics.
Umuwi si Yulo bitbit ang maningning na dalawang gintong medalya.
Subalit mas lalo pa itong kumislap matapos bumuhos ang kaliwa’t kanang insentibo mula sa gobyerno at sa ilang pribadong sektor.
Mahigit P100 milyong cash prize, bahay, condo, sasakyan at iba pa ang natanggap ni Yulo.
Nangunguna nasa listahan ang P20 milyong nakuha nito na nakasaad sa Republic Act 10699 kung saan ang kada isang gintong medalya ang may katapat na P10 milyong insentibo.
Dinoble pa ito ng Office of the President na nagbigay din ng P20 milyon.