BOSTON - Nagpaputok si Jaylen Brown ng season-high 44 points, kasama rito ang anim na three-pointers, para igiya ang nagdedepensang Celtics sa 142-105 pagmasaker sa Indiana Pacers.
Tinapos ng Boston (23-8) ang dalawang sunod na kamalasan.
Nagtala si Jayson Tatum ng 22 points at 13 rebounds para sa home team na nagsalpak ng 23 triples.
Tumikada si Payton Pritchard ng 18 points, 10 assists at 8 rebounds.
Naglista si Tyrese Haliburton ng 19 points at 9 assists, habang may 18 markers si Bennedict Mathurin para sa ikalawang sunod na kabiguan ng Indiana (15-17).
Kumonekta si Al Horford ng back-to-back triples para sa 13-0 atake ng Celtics sa dulo ng second quarter na nagbaon sa Pacers sa 67-35.
Lalo pang pinalobo ng Boston ang kanilang kalamangan sa 38 points sa fourth quarter.
Sa New York, humakot si Victor Wembanyama ng 19 points, 7 rebounds at 6 blocks sa 96-87 pagdaig ng San Antonio Spurs (16-15) sa Brooklyn Nets (12-19).
Sa Denver, bumira si Donovan Mitchell ng 33 points, habang may 26 markers si Evan Mobley sa 149-135 paggupo ng Cleveland Cavaliers (27-4) sa Nuggets (16-13).
Sa Houston, isinalpak ni Anthony Edwards ang isang step-back 3-pointer sa huling 23 segundo para sa 113-112 pagtakas ng Minnesota Timberwolves (16-14) laban sa Rockets (21-10).
Sa Phoenix, nagtala si Kyrie Irving ng 20 points sa 98-89 pagpapalubog ng Dallas Mavericks (20-11) sa Suns (15-15).
Sa Inglewood, California, nagposte si Norman Powell ng 24 points para tulungan ang Los Angeles Clippers (17-13) sa 102-92 paggupo sa Golden State Warriors (15-14).